Back to Top

PRESS RELEASES

SOURCE: Press and Public Affairs Bureau


ANG DIWA NG KASARINLAN NOON HANGGANG NGAYON
12 June 2019 10:08:22 AM


ANG DIWA NG KASARINLAN NOON HANGGANG NGAYON
(Kalayaan sa kahirapan ang ipinaglalaban ng bagong henerasyon)

By SPEAKER GLORIA MACAPAGAL ARROYO
ARAW NG KALAYAAN
BARASOAIN CHURCH, LUNGSOD NG MALOLOS
HUNYO 12, 2019

Maligayang Araw ng Kalayaan sa ating lahat, mga kababayan!

Sa bungad ng taun-taong paggunita sa dakilang anibersaryo ng ating paglaya sa pananakop, matindi ang talumpati, awit, wagayway, at paputok — at marapat lamang upang ihayag ang ating ligaya at pagmamalaki bilang unang bansa sa Asya na kumalag sa gapos ng kolonyalismo.

Subalit ngayon, manahimik muna tayo, bilang pagdakila, pasasalamat at panalangin sa sakripisyo ng ating mga ninunong nagbuwis-buhay para sa Inang Bayan at sa ating kalayaan. Salamat sa pagdaloy ng kanilang pawis, luha at dugo, nagdiriwang tayo ng ating kasarinlan ngayong ika-labindalawa ng Hunyo.

Tungkulin ng pamunuan ng mga bansang malaya na mapalakas ang nasyonalismo sa kulay, kidlat at kulog ng ating parangal sa ating kagalang-galang na mga ninuno at pag-alaala sa mga dakilang yugto ng ating kasaysayan. Malaking karangalan ng aking pamilya na ang nagtakda ng Araw ng Kalayaan sa tamang petsa na ika-labindalawa ng Hunyo ay walang iba kundi ang aking ama, si Pangulong Diosdado Macapagal.

Ayon sa panunulat niya, Kongresista pa siya, naisip na niya na hindi tamang gunitain ang ating paglaya sa ika-apat ng Hulyo, ang dating petsa ng pagdiriwang.

Iyon din ang Independensiya ng Estados Unidos. Tuwing idaraos ang ating Araw ng Kalayaan sa ika-apat ng Hulyo, sumasabay tayo sa bansang dating sumakop sa atin. At parang nakatali pa rin tayo sa Amerika at patuloy na umaasa sa kanyang tulong at pagtatanggol.

Karapat-dapat na ilipat ang Araw ng Kalayaan sa ika-labindalawa ng Hunyo — ang petsa nang ihayag ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite, noong 1898, na bansang malaya tayo, may sariling paninindigan, nilalayon, at mga karapatang gaya ng iba pang malayang bansa.

Damdamin din ng tatay ko na hindi sapat na inspirasyon para sa kabataang Pilipino ang ika-apat na Hulyo, dahil ang ipina-aalala nito ang mga misyong pagdulog sa Estados Unidos upang ipagkaloob ang ating kalayaan. Sa kabilang dako, sa pagdiriwang ng kasarinlan sa ika-labindalawa ng Hunyo, magugunita ng kabataan ang mga bayaning nakibaka at nagbuwis ng buhay laban sa Espanya.

May ilang nagpanukala ng beinte-uno ng Enero, ang araw ng pagbukas ng Kongreso ng Malolos noong 1899, o beinte-tres ng Enero, nang maipasa ang deklarasyong ng kasarinlan ng mga kinatawan ng Malolos Congress. Subalit, hindi maikakaila na iprinoklama ng mga Pilipino ang ating kasarinlan mula sa dayuhang pamamahala noon ika-labindalawa ng Hunyo. Alam rin ng lahat na sa araw na ito unang iwinagayway ni Heneral Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas. Doon din unang narinig ng sambayanan ang ating Pambansang Awit. Pangulo, Bandila at Awit Pambansa — itong mga sagisag ng ating malayang pagkabansa ang itinaguyod sa Kawit upang kilalanin at igalang ng buong mundo.

Ayon pa sa dalawang aklat na sinulat ng aking ama (A Stone for the Edifice;From a Nipa Hut to Malacanang), noong Pangulo na siya, buo na ang kanyang loob at inilipat niya ang pagdiriwang ng Kasarinlan sa dakilang araw ng ika-labindalawa ng Hunyo noong 1962. Sa bagong araw ng pagdiriwang, pinasigla ng sambayanang Pilipino, sa pamumuno ng mahal kong ama, ang diwa at damdamin ng pagsasarili laban sa dayuhang mananakop na mismong ipinamalas at pinag-ibayo sa Kawit nang ihayag ng ating mga ninunong naghimagsik ang kalayaan at kasarinlan ng ating mahal na Inang Bayan. Ito ang diwa ng Hunyo a-dose.

Sa ginawang paglipat ng ating Araw ng Kalayaan, nagbigay ng mensahe ng pagbati si Pangulong John F. Kennedy at nagpadala ng delegasyon ng mga sundalosa kauna-unahag pagdiriwang ng ating kalayaan sa bagong petsa nito.

Sumang-ayon din ng mga karaniwang Pilipino sa paglipat ng petsa. Isang milyong katao ang dumagsa sa Luneta sa pagdirwang ng ating Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1962. Sa taong 1964, sumang-ayon ang Kongreso sa pamagitan ng isang batas na nagsasaad na Hunyo 12 ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Malinaw na hindi tumitigil ang pag-alaga sa kasarinlan, at walang katapusan ang pagtatayo ng malaya’t maunlad na bansa. May tungkulin ang bawat Pilipinong nagtatamasa ng ating kalayaan na pangalagaan ito para sa kanyang henerasyon at sa mga sumusunod pang salinlahi. At sa panahon natin ngayon, lalong kailangan ang pagkakaisa ng sambayanan sa pamumuno ng Pangulong Duterte.

Tayong lahat ang nagtatayo ng ating Republika at tumatangkilik sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng bansa. Ang mga magsasaka’t mangingisdang maagang nagtatanim o pumalaot upang siguruhing patuloy na may pagkain ang sambayanan; ang mga kawal at pulis na sumusugpo sa kriminalidad at nagbibigay ng proteksyon laban sa mga masasamang loob, ang mga gurong walang sawang nagbabahagi ng kanilang kinalaman sa ating kabataan, mga nars at doktor na gumagamot sa maysakit, mga mangangalakal na nagpapalago ng ating ekonomiya at lumilikha ng trabaho para sa ating mga kababayan, mga kawani ng gobyerno at kawani ng mga pribadong kompanya na buong sipag na ginagampanan ang kani-kanilang tungkulin, mga estudyanteng matiyagang nag-aaral at nangangarap ng mas magandang buhay para sa kanyang pamilya, ang mga magulang at lolo’t lola na nagtuturo ng wastong pag-uugali sa kanilang mga anak at apo -- sila, tayong lahat -- ay tulong-tulong sa pagtatayo ng ating malakas at matatag na bansa.

Umaasa ako na makakamit ng administrasyon ni Pangulong Duterte ang hangad niyang mapa-baba ang kahirapan sa 14% sa taong 2022. Kung kaawaan tayo ng Diyos at matutupad ang hangaring ito ay masasabi nating naibaba ng mga administrasyong magkakasunod ang kahirapan mula 39% noong 2001 nang nagsimula ako bilang pangulo hanggang 26% nang natapos ako bilang pangulo noong 2010 hanggang sa 14% sa taong 2022, sa loob lamang ng dalawampung taon. Kung makakamit ito, tagumpay ito ng buong henerasyon.

Kaya kung ang henerasyon ng ating mga ninuno ay ipinaglaban ang kalayaan, ang ating henerasyon ay ipagpatuloy nating ipaglaban ang kalayaan sa kahirapan ng ating bansa.

Sa mga taga-Bulacan at sa buong Pilipinas, buong-puso akong nananawagan na aalagaan natin ang ating kalayaan at ipagpapatuloy natin ang mga gawaing magtitiyak na ang ating kalayaan at kaunlaran ay matatamasa pa rin ng ating mga anak at apo.

Mabuhay ang Pilipinas at maraming salamat sa inyong lahat!